Hindi ko alam kung bakit tila tinamaan yata ako ng isang "Filipino bug" at biglang ginusto ko ng magsulat sa wikang Filipino. Kahit sa aking Multiply ay tila ayaw ko na munang mag-Ingles. Inaamin ko na kumpara talaga sa Ingles, ay hirap na hirap akong magsulat sa Filipino. Bagaman sinasali ako ng mga guro ko sa mga patimpalak sa pagsulat noong hayskul (at nananalo naman minsan) at nakakakuha ako ng matataas na marka sa mga sanaysay na aking sinusulat para sa klase, pakiramdam ko ay hindi talaga natural sa akin ang magsulat sa wikang ito. Oo, inaamin ko yun, kahit na wala akong kahit ano mang halo ng dayuhang lahi. Hindi naman ako "English-speaking" pero pwede niyo na siguro akong tawagin na "English-writing." HAHA, ANO KAYA YUN :))
Pero dahil ako ay kukuha ng kursong tungkol sa pagsulat, ako'y naniniwala na isang mabuting katangian ng isang manunulat ay ang kanyang kakayahang magsulat sa Ingles, at siyempre sa kanyang sariling linggwahe. Kaya hayaan ninyo ako sa isang pagkakataon na ito na magsulat sa sarili nating wika.. at iyong pormal ha, hindi iyong pa-text.
Kagabi ay inatake ako ng nostalhiya. May nabasa kasi akong survey tungkol sa dekada nobenta (90's) na akin namang malugod na sinagutan. Mayroon itong animnapu't isang mga katanungan at mga pahayag na tungkol sa mga uso at sikat noong mga panahong iyon. Hindi maikakailang batang 90's ako, at sigurado akong karamihan din sa inyo, aking mga mambabasa, ay ganoon din. Tuwang-tuwa ako buong gabi kakabasa noong mga nakalagay doon, pakiramdam ko nga ay hindi pa rin ako bumabalik sa normal kong kalagayan mula sa biglang pananabik sa nakaraan. Tunay palang nakakagalak ang magbalik-tanaw sa nakaraan na tila kahapon lamang.
(Basahin ang survey na ito sa aking Multiply -- pero i-dagdag niyo muna ako sa inyong Contacts upang ito ay mabasa!)
Pero dahil ako ay kukuha ng kursong tungkol sa pagsulat, ako'y naniniwala na isang mabuting katangian ng isang manunulat ay ang kanyang kakayahang magsulat sa Ingles, at siyempre sa kanyang sariling linggwahe. Kaya hayaan ninyo ako sa isang pagkakataon na ito na magsulat sa sarili nating wika.. at iyong pormal ha, hindi iyong pa-text.
Kagabi ay inatake ako ng nostalhiya. May nabasa kasi akong survey tungkol sa dekada nobenta (90's) na akin namang malugod na sinagutan. Mayroon itong animnapu't isang mga katanungan at mga pahayag na tungkol sa mga uso at sikat noong mga panahong iyon. Hindi maikakailang batang 90's ako, at sigurado akong karamihan din sa inyo, aking mga mambabasa, ay ganoon din. Tuwang-tuwa ako buong gabi kakabasa noong mga nakalagay doon, pakiramdam ko nga ay hindi pa rin ako bumabalik sa normal kong kalagayan mula sa biglang pananabik sa nakaraan. Tunay palang nakakagalak ang magbalik-tanaw sa nakaraan na tila kahapon lamang.
(Basahin ang survey na ito sa aking Multiply -- pero i-dagdag niyo muna ako sa inyong Contacts upang ito ay mabasa!)
Noong maliit pa ako, siguro mga apat hanggang anim na taong gulang ang pagsibol ng aking kabataan. Nagsimula na kasi akong mag-aral sa nursery, lumabas ng bahay, makipaglaro sa ibang mga bata.. namulat na ako sa mundo. May pakialam na ako sa mga pangyayari sa paligid ko, at gustong-gusto ko matuto. "Only child" lamang ako, kung kaya't wala akong mga kapatid na kalaro at natuto akong aliwin ang aking sarili sa panunuod ng TV, pag-gawa ng kwento sa aking mga manika, magkaroon ng mga kaibigang nasa isip ko lamang, at kung anu-ano pang mga gawaing malilibang ako. Pero kahit ganoon ay mayroon naman akong mga kuya, mga pinsan ko iyon, na lagi kong dinadayo sa kabilang bahay. (Magkatabi pa ang bahay namin noon, nung Grade 1 lumipat na kami ng bahay, pero sa kabilang kalye lang naman) Sila ang nag-mistulang mga idolo ko pagdating sa mga bagay na cool, in, at sikat. Lahat ng nilalaro nila, gusto ko ring laruin. Lahat ng pinapanood nila, gusto ko ring panoorin. Natuto akong mag-laro ng Street Fighter dahil sa kanila, at nakilala ko si Super Mario dahil buong araw silang nagbababad sa TV at computer. Natuto rin akong kumain ng Milo -- oo tama, KUMAIN ng Milo, iyong sasalok ka ng isang kutsarang Milo powder at papapakin mo ito -- na siyang nagsimula ng aking tonsilitis. Malaki rin ang ginampanan ng tonsilitis ko noon. Namamana naman talaga sa pamilya namin yan, kaya wala na talaga akong ligtas doon. Kaya, lumaki ako na walang hilig sa tsokolate, kendi, at kung anu-ano pang matamis. Pero, pa-minsan-minsan, tumatakas din ako at nakakatikim ng mga matatamis kapag kasama ko sina Kuya Vincent at Kuya Lorenz. Palakihan pa kami ng paglobo ng Bazooka bubble gum (syempre, talunan ako). Hinahangaan ko talaga ang mga kuya ko noon, kasi wala naman talaga ko ibang pwedeng tingalain kundi sila lang.
Naging mahalaga rin ang naging papel ng mga yaya ko noon. Dahil parehong nagtratrabaho ang aking mga magulang ay kailangan talaga ko ikuha ng yaya. Galit ako sa lahat ng yaya ko noon. Rebelde ako. Ayoko matulog pag hapon, nagkakalat ako, kinakagat ko sila (bully ako!), lahat ng ginagawa ng salbaheng bata, ginawa ko. Pero hindi naman talaga ako salbahe. Nagkataon lang na masama rin kasi yung mga naging yaya ko, kinukurot ako at sinasabunutan kapag wala ang Mommy ko. Pero may mga pagkakataon din namang nagkakasundo kami. At iyong mga panahong iyon ay ang namulat ako sa mga telenovela at kung anu-ano pang ka-dramahan sa telebisyon. Iniiyakan ko talaga si Mara noon kasi sobrang sama talaga ni Clara! Pati si Via, iyong sa Mula Sa Puso (si Claudine Baretto yun). At si Chabelita! Naalala niyo ba siya? Iyong batang nakatira dati sa bahay-ampunan, mala-Annie ang buhay niya. Tapos kilig na kilig ako kay Angelu de Leon at Bobby Andrews sa TGIS. Kung gaano ako ka-kilig kay Nathan at Haley, ganoon din! Siyempre kitang-kita naman na ang baduy naman nila kumpara sa OTH, pero ano ba namang alam ko noon? Haha. Tuwing umaga rin nanonood ako noong mga kartuns na Tinagalog. Paborito ko noon si Sarah, Ang Munting Prinsesa. Galit na galit ako kay Lavinia. Nanonood din ako ng Cedi, Heidi, Judy Abbott, Julio at Julia (ang kambal ng tadhana.. haha!) at yung isa pa.. si Romeo ang tagapaglinis ng tsimineya? May nakakaalala rin ba sa kanya? Haha. Pero nakatikim rin naman ako ng mga edukasyonal na programa tulad ng Sesame Street, Batibot, 5 and Up, ATBP., Hiraya Manawari at ang aking paborito, ang SineSkwela! Talagang marami akong natutunan doon. Doon ko naintindihan ang fractions, parts of the plant, at marami pang ibang mga paksa. Sa totoo lang, lalo pang lumakas ang pag-hanga ko sa palabas na ito dahil lagi sa aming pinapanood sa St. Paul, kahit ata noong hayskul na kami. Ganun ka-"educational" ang programang iyon. At siyempre, sino ba namang makakalimot sa kanta doon? Tayo na sa SineSkewla, tuklasin natin ang si-yen-sha! Buksan ang pag-iisip, tayo'y likas na sayantist.. Tayo na sa SineSkela, tuklasin nating ang si-yen-sha! Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan.. kaya't habang maaga mag-aral ng si-yen-sha, sa teknolohiya, ang buhay ay gagandaaaaa! (Amf, memoryado pa talaga ehh!) At mayroon pa, si Little Lulu! Adik na adik ako sa kaniya, kulang na lang bumili ako ng pulang damit na sobrang ikli para kita yung panty ko. Tawang-tawa ako sa kanya, pati na rin kay Tubby Tomkins at sa best friend niyang si Annie. Laking pasalamat talaga ng yaya ko sa mga palabas na ito dahil sa sandaling oras ng aking panonood, ako ay tumitigil sa aking kakulitan at nananahimik.. nakatutok sa TV.
Siyempre, hindi ko malilimutan ang libro. Bata pa lang ako, uod na ako na nakatira sa libro, este, taong palabasa na ako ng libro. Sweet Valley, Baby-Sitters Club, Baby Sitters' Little Sister (si Karen Brewer), Archie comics, Arthur (at ang kapatid niyang si D.W.), Nancy Drew at ng iba pang mga nobela.. lahat nabasa ko yan! Obyus na bata palang, nerd na ako. Kaya tuwang-tuwa rin siyempre ang mga magulang ko. At dahil din dito kaya mas sanay akong magsulat sa Ingles, sapagkat wala naman masyadong librong Tagalog noon, maliban sa mga Adarna books na may pagsasaling-wika o "translation," pero iyong Ingles pa rin ang binabasa ko. :))
Lahat din ng laruan nalaro ko. Mula sa Fisher-Price ViewMaster (Power Rangers at Pocahontas ang mga bala ko), Barbie (I'm a Barbie girl!), Polly Pocket (kumpleto ko yan, mayroon ako nung maliit pa talaga at nasa compact case, hanggang sa lumaki na sila at pwede nang bihisan), Happy Meals ng McDo, Cabbage Patch dolls, Casper, Baby All Gone doll (yung kinakain niya yung cherries at milk!), at ang aking paborito, ang Power Rangers! Dahil kay Pink Ranger, naging paborito ko ang kulay na Pink. Pero sa kasamaang palad, ang laruang ni minsan ay hindi ako nagkaroon ay ang pinakasikat pa noon: Tamagotchi. Kung nakakamatay talaga ang inggit, siguradong deads na deads na ako dahil hindi ako binili ni Mommy. Doon ata ako unang nakaranas ng depresyon, kasi lahat nag-aalaga ng virtual pet. Pero naka-recover din ako nang ibili na ako ng bagong manika. Mababaw lang naman ako :) Naniniwala ako na pinaka-astig ang mga laruan noong 90's. Hindi man kasing "advanced" o "hi-tech" katulad ngayon, ay tunay na nakapag-papaligaya naman. Hinding-hindi ko ipagpapalit ang mga araw na naglaro ako gamit ang aking imahinasyon at nagpanggap na nakatira ako sa Sesame Street. Madali lang naman ako mapasaya, at noon tila mainam naman ang lahat sa mundo.
Siguro nga sa mga ganoong pagkakataon mo mapapagtanto na tumatanda ka na talaga. Kapag nakabasa ka ng isang artikulo o kaya lathalain na may kinalaman sa iyong kabataan, hindi mo maiiwasang mapangiti, matawa, at makaramdam ng halo-halong emosyon sa iyong pagsasariwa. Ngunit, matapos ng ilang sandali, ay mapapa-isip ka na rin kung gaano na kahaba ang lumipas mula noong mga panahong iyon. Ako nga, kagabi nasabi ko na lamang sa sarili ko, "Ha? Ganoon na pala katagal iyon!? Eh bakit parang ang bata pa rin ng 16?" Totoo palang malaki na ako, kahit hindi masyadong tumangkad, at lagpas isang dekada na ang dumaan magmula nang una kong mapanood ang Teenage Mutant Ninja Turtles. Kay sarap talagang gunitain ang nakaraan. Iyong isa ko ngang kaibigan, kapag nagkaka-kwentuhan kami sa YM ay puro tungkol sa kabataan namin ang aming pinag-uusapan. Hindi kasi nakakasawang balik-balikan ang kahapong humubog sa pagkatao mo ngayon. Sino bang nakakaalam na ang simpleng pagbabasa ko ng Baby Sitters Club ang siyang pagmumulan ng aking hindi maikakailang pagkahilig sa aking larangang tatahakin: ang pagsusulat? Tunay ngang ang iyong kabataan ay isang mahalagang parte ng buhay, sa katunayan nga naniniwala ako na mas mahalaga pa ito kaysa sa pagdadalaga o pagbibinata, sapagkat hindi ka makakalagpas sa "teenage years" kung hindi ka pinatatag ng mga payak ngunit makubuluhan mong karanasan noong bata ka.
Hayy. Napahaba ata ang pagmumuni-muni ko. Napasarap ako. Kung nabasa ninyo lahat iyon, hiling ko naman ay natuwa rin kayo. Alam kong kahit na ikaila niyo pa, minsan din kayong naging baduy at madungis na batang takot madampot ng Bumbay.
BATANG 90's AKO, EH IKAW?
(Malaking pasasalamat sa GabbyDictionary, na naging tagapag-ligtas ko sa mga salitang hindi ko talaga alam ang Ingles, sa KidsWereUs, isang napakagandang website tungkol sa 90's, at sa Yahoo! para sa ilang mga larawan.)
*OMG, nosebleeeeed! :))
*OMG, nosebleeeeed! :))
No comments:
Post a Comment